Tuesday, March 18, 2008

Negosyo Ngayon?


Sa panahon ngayon, iba’t ibang negosyo ang pinapasok ng mga Pilipino upang mayroon silang pangtustos sa pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Mayroong nagpapatayo ng mga “computer shops”, mayroon din namang pumapasok sa mga negosyong hindi nangangailangan ng malaking kapital tulad ng karinderya, fishbolan at mga ihaw-ihaw sa kalsada o sa mga eskinita.

Ang simpleng negosyong patok na patok ngayon ay ang mga negosyong bagama’t maliit lamang at kaunting kapital ang kinakailangan, ay sikat na sikat naman at maraming sumusubok – isa na nga dito ang “Ukay – Ukay”. Para sa marami, pag sinabing “ukay-ukay” second hand na mga gamit agad ang pumapasok sa isip nila. Sa kanilang pananaw, ang pagbili ng mga secondhand na gamit ay isang solusyon upang makamura sa mga bilihin ngayon. Marami ang tumatangkilik sa mga ganitong produkto hindi lamang dahil sa murang presyo, maging pati sa pagiging imported ng mga ito.


Bagama’t maraming advantages at benipisyo ang makukuha natin sa negosyong ito, ay marami rin naman ang disadvantages ang makukuha natin, nariyan nga ang sakit na kumalat sa Baguio noon dahil sa ukay-ukay – ang meningococcaemia na pumatay ng iilan sa ating mga kababayan. Isa itong sakit sa balat na maaari mong makuha sa pagsusuot ng mga gamit na at maruruming damit. Sinasabi din nila na nagmula ito sa mga dayuhan na nagbebenta ng mga ukay-ukay sa ating bansa. Isa pa sa mga disadvantages nito ay nawiwili na tayo na bumili ng mga second hand na gamit sa halip na bumili ng brand new sa mga shopping malls at mas nawiwili pa tayo sa mga imported na gamit sa halip na tangkilikin natin ang sariling atin. Iilan lamang ito sa mga epekto na makukuha natin sa negosyong ukay-ukay ngunit bagama’t ganito ang epekto sa ating bansa, marami pa rin ang gumagaya at sa ngayon nga ay isa ito sa mga “simpleng negosyo na patok na patok”

Ang pananaliksik tungkol sa naturing usapin ay naglalayong ipaalam sa publiko ang mga advantages at disadvantages na naidudulot ng negosyong ukay-ukay hindi lamang para sa mga negosyante, kundi pati na rin sa mga taong tumatangkilik sa produktong ukay-ukay. Nais din ng mananaliksik na madagdagan ang mga impormasyon at kaalaman ng mga tao tungkol dito.






Ano nga ba ang Ukay-Ukay?



Ayon sa Merriam – Webster’s Open Dictionary; ang salitang ukay-ukay ay isang negosyo kung saan ang iba’t-ibang secondhand o imported na bagay ay ipinagbibili. Ang ukay- ukay ay nagmula sa salitang “ukay” na ang ibig sabihin ay paghahanap o paghahakot at paghuhukay ng mga iba’t ibang second hand na damit sa isang malaking lalagyan. Kung maikukumpara sa ibang tindahan lalo na sa mga shopping malls ay malaking tipid na ito sapagkat makakamura ka na, magaganda pa at imported ang mga damit na mabibili mo. Nagmula ang negosyong ukay-ukay sa mga Intsik na naninirahan sa ating bansa at sumubok ng pagkakakitaan. Dahil sa napakaraming gamit, naisipan nilang magbenta ng mga bagay na maaari pang magamit ng iba sa napakamurang halaga. Nagsimula sila sa mga second hand ngunit imported na damit galing Tsina at maraming mga Pilipino ang nakinabang sa mga damit na ito, hanggang sa kumalat na ito sa buong bansa.




Mga Karaniwang Binbenta sa mga Ukay-Ukay:

Pantalon
Damit
Bags
Sapatos
Sumbrero


Ang mga negosyong tulad ng ukay-ukay ay biglang nagsulputan na lang sa ating
bansa. Noon, bihira at tago lamang ang mga ukay-ukay. Ayon sa pag-aaral, taong 2000 ng nagsimulang magsulputan ang mga ukay-ukay sa ating bansa, at simula noon, sunod-sunod na ang pagsulputan ng mga ito.

Ang pagtangkilik sa mga produktong second hand ay nakakatulong sa mga tao upang makatipid sila. Malaki ang diperensya sa presyo ng mga ukay-ukay kung ikukumpara sa mga gamit na mabibili sa mga malls. Para naman sa mga negosyante, hindi gaanong malaki ang kapital na kinakailangan dito at sa panahon ngayon, mas tinatangkilik ng mga tao lalo na ng masa, ang mga produktong secondhand.

Gayunpaman, ang mga ukay-ukay ay may masamang epekto rin sa mga tao maging sa mga negosyante. Ang mga shopping malls ay posibleng malugi kung patuloy na dumami at lumaki ang bentahan ng mga secondhand na gamit sa ating bansa. Ang mga imported din na gamit ay posibleng magdulot ng sakit sa mga tao.



Konklusyon at Rekomendasyon:


Ang patuloy na pagdami ng negosyong ukay-ukay sa ating bansa ay isang magandang pangitain dahil malaki ang natutulong nito sa badyet ng mga tao. Malaki ang natitipid ng mga tao sa pagtangkilik ng ganitong produkto at napagalaman din ng mananaliksik na marami pala talaga ang mga namimili ng secondhand sa bansa.